Huwebes, Nobyembre 17, 2016

Mensahe ng Butil ng Kape (REPLEKSYON)

REPLEKSYON
     
     Ang lahat ng tao sa mundo ay nagkakaroon ng pagsubok o problema sa buhay at hindi natin alam kung kailan ito darating. Maaaring tungkol sa sariling buhay sa pamilya sa kaibigan sa paaralan at marami pang iba. Ang problema nga talaga ay bahagi na ng ating buhay. Kung gayon ay maging matatag lang at makakaya itong harapin. 
     
    Ang kwentong "Mensahe ng Butil ng Kape" ay kakikitaan ng mga aral sa buhay katulad ng mga katanungan ng ama sa kanyang anak. Kung ano ang pipiliin niya? karot, itlog o butil ng kape? kung paano siya tutugon sakaling kumatok sa pinto ang pagsubok sa buhay? O kung magsusumikap ba siyang maging matatag sa harap ng pagsubok at magiging positibo? 
     
    Kung tayo man ay may suliranin sa buhay na kinakaharap ay maging matatag tayo at huwag natin kalimutang manalangin sa Poong Maykapal dahil alam nating lahat na hindi Niya tayo pababayaan. Maaari rin tayong humingi ng payo o tulong mula sa ating pamilya, kaibigan at guro. Alisin natin ang takot na hindi natin malalampasan ang pagsubok bagkus ay tanggapin natin ito ng buong puso dahil kung tatakasan lang natin ito ay hahabulin tayo na hindi natin alam ay kaya naman pala nating mapagtagumpayan. Manatili rin tayong positibo dahil napakalaki ng naitutulong ito at dito tayo makakakuha ng tiwala sa sarili na malalampasan ang mga pagsubok sa buhay. 
    
     Ang buhay nga talaga ay parang boksing, kahit ilang beses ka mang masuntok, matumba at mapataob ay huwag susuko, laban lang. Parang pagkakaroon ng problema, kahit gaano man iyan kalaki at kabigat ay huwag susuko, laban lang. Palaging isaalang-alang na anumang dagok sa buhay ay kaya nating malampasan at mapagtagumpayan dahil walang pagsubok na ibinigay ang Diyos na hindi natin kakayanin. Tandaan lang natin na pagkatapos ng ulan ay may magandang bahagharing nag-aabang.

Mensahe ng Butil ng Kape (BUOD)

BUOD

      Ang kwentong “Mensahe ng Butil ng Kape” na isinalin sa Filipino ni Willita A. Enrijo ay tungkol sa mag-amang magsasaka. Nagsimula ito nang marinig ng ama na nagrereklamo ang kanyang anak na lalaki sa kanilang hirap at pagod sa pagsasaka at pagbubungkal ng bukirin at sa hindi makatarungang buhay na dinaranas niya. Dahil dito ay tinawag siya ng kanyang ama patungong kusina. Dito ay isinalang ng ama ang tatlong palayok sa apoy at nilagyan ng tubig. Nang kumulo ang tubig ay inalagay ng ama ang carrot sa unang palayok, itlog sa ikalawang palayok at butil ng kape sa ikatlong palayok. Tinanong siya ng kanyang ama kung ano ang maararing mangyari sa karot, itlog at butil ng kape. 
      
     Pagkalipas ng dalawampung minuto ay inalis na ng ama ang baga at pinalapit ang anak sa mga palayok. Napansin ng anak na lumambot ang karot, ang itlog naman ay buo at matigas na dahil sa ito ay nilaga at ang butil ng kape ay natunaw at saka pinahigop ito sa kanya. Ang mga ito ay pare-parehong inilahok sa kumukulong tubig ngunit iba’t iba ang kinalabasan. Ipinaliwanag ng ama na ang karot ay sumisimbolo sa kahinaan na sa una ay matigas at malakas ngunit naging malambot matapos mailahok sa kumukulong tubig. Ang itlog na may manipis na balat bilang proteksyon sa likidong nasa loob nito ay naging matigas at ang butil ng kape ay natunaw na nakadagdag sangkap sa tubig na nagpatingkad dito. Sinabi sa kanya ng kanyang ama na ang kumukulong tubig ay sumisimbolo sa suliranin sa buhay at siya ay pinapili sa tatlo. Kung karot ba na malakas lang sa una ngunit naging mahina ng may dumating na pagsubok sa buhay? Kung iyong itlog ba na ang labas na balat ay nagpapakita ng kabutihan ng puso ngunit nabago ng init ng kumukulong tubig? O kung butil ng kape na nakapagpabago sa kumukulong tubig? Idinagdag pa ng ama na kung siya ay tulad ng butil ng kape siya ay magiging matatag sa pagsubok sa buhay at makakaya niya itong harapin at siya mismo ang makapagpapabago sa pangyayari sa paligid niya. Muli siyang pinapili ng ama kung siya ba ay karot, itlog o butil ng kape at ang kanyang pinili ay butil ng kape gaya ng kanyang mahal na ama.